Tiniyak ng House prosecution team na maaari pa ring imbestigahan ng Office of the Ombudsman o Department of Justice ang mga alegasyon ng bribery laban kay Vice President Sara Duterte, sa kabila ng paglalag sa Article 3 sa impeachment case.
Ayon kay House lead prosecutor at Batangas Representative Gerville Luistro, hindi nangangahulugang tuluyan nang mawawalan ng aksiyon ang mga alegasyon dahil lamang inurong ang kaso sa impeachment trial.
Sinabi ni Luistro na maaari nilang i-refer ang usapin sa mga kinauukulang ahensiya para sa posibleng preliminary investigation.
Kabilang sa mga alegasyon ang umano’y pagbibigay ni Duterte ng pera sa mga opisyal ng Department of Education upang maimpluwensiyahan ang mga desisyon sa procurement noong kalihim pa siya ng ahensiya.
Isa sa mga nabanggit ang pahayag ni dating DepEd Undersecretary Gloria Jumamil-Mercado tungkol sa siyam na sobreng umano’y naglalaman ng tig-limampung libong piso.
Nauna nang kinumpirma ni House prosecutor Jonathan Keith Flores na pormal nang iniurong ng prosecution team ang bribery article sa impeachment court noong October 6.
Gayunman, nilinaw ni Luistro na hiwalay sa impeachment proceedings ang anumang kasong kriminal na maaaring isampa, at ang Ombudsman o DOJ ang magtatakda kung sapat ang ebidensiya para ituloy ang imbestigasyon.