Inaasahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na maipadadala ngayong linggo sa kanyang tanggapan ang detalyadong plano ng paghahanda at aksiyon ng mga concerned government agencies kaugnay ng nararamdaman ng El Niño.
Ayon sa Pangulo, gusto niyang malaman kung ano ang gagawin ng bawat ahensiya at ang konkretong plano ng mga ito lalo’t hindi aniya biro ang tatamang tagtuyot.
Dapat aniyang tandaan na ito’y hindi lang karaniwang El Niño kundi isang Super El Niño na tatagal pa ng hanggang Marso ng susunod na taon.
Kaugnay nito’y pinatitiyak naman ng Presidente na mananatiling bukas ang mga pagamutan at masigurong hindi tatamaan ng power interruption ang mga ito.
Pati na ang mga kailangang medical supplies sabi ng Pangulo ay kailangang magarantiyahang hindi kukulangin at ito’y sa gitna na rin ng inaasahang paglutang ng nga sakit na kaakibat ng matinding tagtuyot.