Mas pinalalakas pa ngayon ng Department of Social Welfare and Development o DSWD ang pagsusulong ng ASEAN Strategic Protocol for Emergency and Comprehensive Transformation o ASPECT Framework bilang pangunahing hakbang upang palakasin ang kooperasyon, pagtugon, at paghahanda sa mga kalamidad sa buong rehiyon ng Southeast Asia.
Sa panayam ng programang Bangon, Bayang Mahal, inihayag ni DSWD Spokesperson Assistant Secretary Irene Dumlao na mahalaga ang papel ng Pilipinas sa pagsusulong ng ASPECT Framework bunsod ng pagiging ASEAN Chair ng bansa.
Bukod sa mahalagang parte ng pamahalaan sa disaster response and preparedness ay dapat maipaintindi rin sa publiko ang shared responsibility sa panahon ng sakuna.
Kaya naman sa tulong ng ASPECT Framework, hindi lang pagpapalakas sa regional cooperation, interoperability, mabilis na data sharing at logistics at komprehensibong pagtugon ang tututukan kundi maging ang empowerment at capacity building ng publiko upang mas mabilis silang makaahon sa epekto ng anomang kalamidad.
Binigyang-diin din ni Dumlao na sa gitna ng banta ng climate change at mga krisis na lumalampas sa hangganan ng isang bansa, ang pagkakaisa at kolektibong pagkilos sa pamamagitan ng mga balangkas tulad ng Manila-ASPECT ay susi upang maprotektahan ang mga bulnerableng komunidad sa buong ASEAN.
Bukod sa ASPECT Framework, tututukan din ng ASEAN leaders ang Disaster Emergency Logistics System for ASEAN o DELSA at ang ASEAN Emergency Response and Assessment Team (ASEAN-ERAT).