Photo courtesy of Rep. Roman Romulo FB
Pinuri ni Pasig City Representative Roman Romulo ang pag-apruba ng House of Representatives sa ikatlo at pinal na pagbasa sa panukalang Safe and Friendly Environment for Kids in Digital Spaces o SAFE KIDS Act.
Ayon kay Romulo, dapat matiyak na may sapat na proteksiyon ang mga bata laban sa mga panganib na maaari nilang makaharap sa paggamit ng teknolohiya at digital platforms.
Sa ilalim ng panukala, ipagbabawal sa mga batang wala pang 13 taong gulang ang paggawa at paggamit ng social media accounts, habang lilimitahan naman ang access ng mga edad 13 hanggang wala pang 18 taong gulang.
Itinatakda rin ng panukala ang paglikha ng SAFE KIDS Office sa ilalim ng Department of Information and Communications Technology (DICT) upang pangasiwaan ang pagpapatupad ng mga probisyon nito.
Binigyang-diin ni Romulo, na hindi na usapin kung dapat bang magkaroon ng puwang ang mga bata sa digital world dahil bahagi na ito ng kanilang buhay.
Ang mahalaga aniya ay matiyak na ligtas ang digital environment na kanilang ginagalawan at napangangalagaan ang kanilang pag-unlad at kapakanan.