Pinaalalahanan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang mga operator na nag-aaplay para sa regularisasyon ng kanilang mga temporary o “tempo” Transport Network Vehicle Service o TNVS units na sumailalim sa mandatory roadworthiness inspection.
Ayon sa LTFRB, kailangan itong isagawa sa mga kinikilalang Private Motor Vehicle Inspection Center o PMVIC ng LTFRB para makuha ang Notice of Hearing (NOH) at Provisional Authority (PA).
Dapat ding may resultang “PASS” ang inspeksyon at hindi pa ito expired.
Kapag nakapasa na ang sasakyan, kailangang i-click ng operator ang “Check PMVIC Inspection” sa kanilang aplikasyon para awtomatikong ma-verify ng sistema ang resulta. Hindi na kailangang mag-upload ng karagdagang dokumento para rito.
Kapag matagumpay nang na-verify ang resulta ng inspeksiyon, maaari nang i-download ang Notice of Hearing at Provisional Authority.
Pinayuhan naman ng LTFRB ang mga operator na tiyaking kumpleto at tama ang lahat ng impormasyong isusumite upang maiwasan ang pagkaantala sa pagproseso ng kanilang aplikasyon.