Nadagdagan pa ang lebel ng tubig sa Angat Dam sa Bulacan kasunod ng mga pag-ulan nitong mga nakalipas na araw.
Sa 8am monitoring ng PAGASA Hydrometeorology Division, umakyat sa 208.83 meters ang water level ng Angat Dam ngayong Miyerkules, mula sa 208.71 meters noong Martes.
Malapit na ito sa normal high water level ng dam na 210 meters.
Una nang iniulat ni University of the Philippines Resilience Institute-NOAH Center Executive Director Dr. Mahar Lagmay na umabot sa pinakamataas na antas ang Angat Reservoir noong Oct. 12 kumpara sa kaparehong petsa mula noong 2015.
Aniya, nakatulong ang malalakas na pag-ulan dulot ng Habagat noong Agosto para mapunan ang tubig sa Angat Reservoir.
Mahalaga ang reservoir dahil kasama ng konektadong water supply system nito, nagbibigay ito ng humigit-kumulang 90% ng suplay ng tubig para sa domestic use sa Metro Manila.
Dagdag ni Lagmay, nagbibigay ito ng magandang panimula sa paghahanda ng Metro Manila sa posibleng malakas na El Niño.
Gayunman, binigyang-diin niyang mahalaga ang responsablemg paggamit ng tubig, pagtitipid sa suplay, at pagbabawas ng water losses para matugunan ang pangangailangan ng Metro Manila hanggang sa pagbabalik ng mga pag-ulan sa kalagitnaan ng 2027.