Photo courtesy of DOLE MIMAROPA
Nakapagtapos ang 26 na benepisyaryo ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers o TUPAD ng DOLE, sa Palawan ng 15-araw na pagsasanay sa tour guiding.
Isinagawa ng Department of Labor and Employment (DOLE) MIMAROPA at Department of Tourism (DOT) MIMAROPA ang training mula Setyembre 3 hanggang 24, 2026.
Layon ng programa na ihanda ang mga kalahok sa mga oportunidad sa trabaho sa industriya ng turismo.
Kabilang sa pagsasanay ang mga talakayan at aktuwal na pagsasanay sa crisis management, fieldwork, familiarization tours, tour-guiding activities, basic first aid, tour packaging, at propesyonal na protocol at etiquette.
Sumailalim din ang mga kalahok sa apat na araw na industry immersion upang matutuhan ang operasyon sa mga paliparan, pantalan, at hotel.
Nagtapos ang programa sa pamamagitan ng written assessments, mock city tours, practical examinations, at pagsusumite ng fieldwork reports.
Ayon sa DOLE MIMAROPA, lahat ng 26 na benepisyaryo ay matagumpay na nakapagtapos, katumbas ng 100% completion rate.
Layunin ng programa na pagsamahin ang pansamantalang tulong-pinansyal at teknikal na pagsasanay upang matulungan ang mga manggagawa na makahanap ng pangmatagalang trabaho sa patuloy na lumalawak na industriya ng turismo sa Palawan.