Photo courtesy of DHSUD
Tumanggap na ng kani-kanilang titulo ng lupa ang mga miyembro ng anim na homeowners associations (HOAs) sa Pasig at Taguig City sa ilalim ng Expanded Pambansang Pabahay para sa Pilipino (4PH) Program ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Pinangunahan nina Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) Secretary Jose Ramon Aliling at Social Housing Finance Corporation (SHFC) President at CEO Federico Laxa ang pamamahagi ng mga Transfer Certificate of Title (TCT) sa mga benepisyaryo sa ilalim ng Enhanced Community Mortgage Program (ECMP).
Kabilang sa mga benepisyaryo ang Napico HOA Inc. Phase 1, 8, 9A at 12, at Balsancat HOA Inc. sa Pasig City, gayundin ang Villa Cuaresma HOA sa Taguig City.
Ayon sa DHSUD, tinapos ng pamamahagi ng mga titulo ang halos dalawang dekadang paghihintay ng mga benepisyaryo na magkaroon ng seguridad sa pagmamay-ari ng kanilang lupa.
Binigyang-diin ni Secretary Aliling na patuloy na palalawakin ang Expanded 4PH alinsunod sa direktiba ng Pangulo upang mas maraming pamilyang Pilipino ang magkaroon ng disenteng tirahan at mas maayos na pamumuhay.
Samantala, iniulat ng SHFC na mahigit 5,000 pamilya na ang nabigyan ng mga titulo ng lupa sa ilalim ng Expanded 4PH mula Enero 2026.
Bahagi ang aktibidad ng pagdiriwang ng National Shelter Month 2026 na may temang “Tahanan. Pamayanan. Kinabukasan.” Layunin nitong palakasin ang mga programang pabahay at bigyan ng mas maliwanag na kinabukasan ang mga pamilyang Pilipino.
Para sa mga kinatawan ng mga HOA, ang pagkakaroon ng sariling titulo ng lupa ay katuparan anila ng matagal nang pangarap at panalangin ng kanilang mga pamilya.