Pinalagan ng ilang mambabatas ang ginawang paghamak at pag-alipusta sa anak ng aktres na si Kris Aquino na may autism.
Ito ang reaksiyon ng ilang lawmakers sa Season 29, Episode 20 ng podcast na “Machong Chismisan” kung saan nilait ng mga ito si Josh, isang taong may autism.
Sinabi ni Senior Deputy Minority Leader at Mamayang Liberal Party-list Rep. Leila De Lima, ang ganitong gawi at ang patuloy na pag-ere ng mga nakakasakit na pahayag para lamang makahakot ng mga tagapanood ay nagpapakita ng kawalan ng malasakit at pakikipagkapwa-tao.
Nanawagan din ng pananagutan ang minority leader, aniya dapat mapapanagot ang mga taong sangkot sa kontrobersiya.
Samantala, mariing kinondena ni Rizal 2nd District Representative Dino Tanjuatco, pinsan ni Kris Aquino ang ginawang pang-aalipusta at pagkutya kay Josh Aquino.
Aniya, bilang pinsan at ninong ni Josh, personal at masakit para sa solon ang nangyari.
Walang sinuman aniya ang may karapatang mang-alipusta para lamang magpasikat o makahakot ng views.
Giit ng mambabatas, hindi punchline ang disability at hidi dapat ito minamaliit o kinukutya.