Pinaalalahanan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang publiko, lalo na ang mga content creator, na maging responsable at igalang ang dignidad at karapatan ng mga persons with disabilities (PWDs).
Kasunod ito ng kontrobersiyal na episode ng Machong Chismisan podcast na umano’y nangutya sa mga PWD, partikular sa mga taong nasa autism spectrum.
Ayon kay DSWD Spokesperson Assistant Secretary Irene Dumlao, dapat tratuhin nang may dignidad, respeto, at malasakit ang mga taong may mental health condition o dumaranas ng psychosocial crisis.
Giit ng ahensiya, sa ilalim ng Republic Act 7277 o Magna Carta for Persons with Disabilities, na inamyendahan ng RA 9442, maaaring managot sa batas ang panghihiya, pangungutya, o paninira sa mga PWD, sa publiko man o online.
Sa ngayon, tinanggal na ang naturang podcast content at humingi na rin ng paumanhin ang mga host.