Plano ni Bicol Saro Party-list Representative Terry Ridon na maghain ng resolusyon sa Kamara upang matukoy ang mga indibidwal na umano’y nasa likod ng pagpapakalat ng Chinese propaganda sa Pilipinas.
Sa isang panayam, sinabi ni Ridon na kapansin-pansin ang pagkakatulad ng mga personalidad na sumusuporta kay Vice President Sara Duterte at ng mga nagtatanggol sa China sa gitna ng mga isyung may kinalaman sa ugnayan ng Pilipinas at China.
Ayon kay Ridon, kung susuriin ang social media accounts ng mga personalidad na ito, kapansin-pansin umanong ang mga paksang tinatalakay nila ay nakasentro lamang sa China at sa pamilyang Duterte.
Dahil dito, nais ni Ridon na matukoy kung may mga indibidwal o grupong nag-oorganisa sa pagpapakalat ng naturang mga mensahe at kung may kaugnayan ang mga ito sa operasyon ng Chinese propaganda sa bansa.
Ikinokonsidera ng mambabatas na ipaubaya ang pagtalakay sa planong resolusyon sa House Committee on Foreign Affairs o House Committee on Public Information.
Nitong nakalipas na mga araw ay nagpalitan ng maaanghang na pahayag ang ilan sa mga opisyal ng Pilipinas at ng Chinese Embassy sa Maynila.
Pinakahuli, nagbabala ang Chinese Embassy na maaari ring ideklarang persona non grata sa China ang mga opisyal ng Pilipinas sakaling ituloy ng mga ito ang panawagang ideklarang persona non grata si Chinese Ambassador Jing Quan.