Nanawagan si Malabon City Mayor Jeannie Sandoval sa publiko na makiisa para sa ligtas at makabuluhang paggunita ng Undas 2026.
Pinayuhan ang mga bibisita na panatilihing malinis ang mga sementeryo, bantayan ang kanilang mga gamit, at samahan ang mga bata at nakatatanda.
Naghanda na ang Malabon DRRMO at mga katuwang na ahensya ng emergency response plan para sa inaasahang dagsa ng mga bisita.
Tinatayang 98,463 katao ang bibisita sa pitong sementeryo at kolumbaryo sa lungsod mula Oktubre 30 hanggang Nobyembre 2.
Sinabi ng alkalde na may ilalagay na mga command post at medical station para sa agarang tulong.
Magtatalaga rin ng mga pulis, bumbero, at traffic personnel para sa seguridad at maayos na daloy ng trapiko.
Binigyang-diin ni Sandoval na mahigpit na ipinagbabawal sa mga sementeryo ang pagdadala ng armas, alak, paputok, at iba pang mapanganib na bagay, gayundin ang sugal, paninigarilyo, vaping, at overnight stay.