Kinuwestiyon ni Senador Ping Lacson ang motibo sa likod ng pagboto ng tatlong minority senators na miyembro ng Senate Electoral Tribunal (SET) ng pabor sa pagpapatalsik sa pwesto kay Senador Erwin Tulfo.
Matatandaang sa naging sesyon ng Senate Electoral Tribunal (SET) noong Biyernes, nabasura sa botong 6 (pabor) – 3 (tutol) ang motion for reconsideration na inihain ni Berteni Causing na kumukwestiyon sa kwalipikasyon ni Tulfo bilang senador.
Para kay Lacson, tila naisantabi ang katarungan at pagiging patas nang suportahan ng tatlong minority senators ang motion for reconsideration na inihain nang lampas sa itinakdang panahon ng isang petitioner na hindi naman nakapagpatunay ng legal na batayan sa paghahain nito.
Hindi pinangalanan ni Lacson ang tatlong senador sa kanyang pahayag.
Gayunman, kabilang sa mga minority senators na miyembro ng SET sina Senadora Pia Cayetano, Senador Robin Padilla at Senadora Camille Villar.
Samantala, pinuri ni Lacson ang tatlong mahistrado ng Korte Suprema at ang tatlong iba pang senator-members na bumoto laban sa mosyon, na aniya’y kumilala sa malinaw na pagkukulang sa proseso.