Pinarerekonsidera ni Manila 2nd District Representative Rolando Valeriano ang posibilidad na gumamit ng water cannon ang Philippine Coast Guard (PCG) bilang tugon sa agresibong aksiyon ng mga dayuhang barko sa West Philippine Sea.
Kasunod ito ng paggamit ng Taiwan ng water cannon laban sa isang Chinese fishing vessel, kamakailan.
Bagama’t iginagalang ni Valeriano ang desisyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na huwag gumamit ng water cannon bilang pagganti dahil sa panganib ng paglala ng tensiyon, iginiit niyang dapat muling suriin ng pamahalaan ang mga posibleng hakbang sa pagharap sa mga hamon sa karagatan.
Iminungkahi ng mambabatas sa PCG, Department of Foreign Affairs, at National Security Council na pag-aralan ang mga sitwasyong maaaring legal at angkop ang paggamit ng water cannon.
Bukod dito, isinusulong din ni Valeriano ang pagpapalakas ng pagbabantay sa karagatan sa pamamagitan ng paggamit ng mas maraming aerial, surface, at underwater drone, gayundin ng satellite monitoring.
Ayon sa kaniya, makatutulong ang mga teknolohiyang ito sa pagtukoy ng mga pagpasok sa teritoryo, pagdodokumento ng mga agresibong aksiyon at pagprotekta sa mga mangingisdang Pilipino.
Hinimok din niya ang Senado na bigyang-prayoridad sa 2027 National Budget ang pondo para sa mga kagamitang ito upang mapalakas ang kakayahan ng bansa na protektahan ang mga karapatan nito sa karagatan.