Tumaas ang naitalang kaso ng Influenza-like Illness (ILI) sa Quezon City matapos maitala ang 221 na bagong kaso sa loob ng apat na linggo, mula September 13-October 10.
Ayon sa QC Health Department, mas mataas ito ng 13% kumpara sa 195 kasong naitala sa naunang buwan.
Dahil dito, umabot na sa 1,578 ang naitalang kaso ng Influenza-like Illness (ILI) sa Quezon City mula enero hanggang nitong October 15, 2026, batay sa datos ng Quezon City Epidemiology and Surveillance Division (QCESD).
Sa mga tinamaan ng sakit, pinakamarami ang mga batang edad 14 na taon pababa, na may 120 (54.3%) cases.
Pinakamataas din ang naitalang kaso sa District 4 na may 61 cases, na sinundan ng District 2 na may 47 cases.
Nakapagtala rin ang QCESD ng 14 na clustering ng mga kaso sa 11 barangay sa lungsod. Kabilang sa mga barangay na may naiulat na kumpol ang U.P. Campus, Batasan Hills, Dona Aurora, Escopa III, Holy Spirit, Kalusugan, Matandang Balara, Pansol, Pasong Putik, Proper, Ramon Magsaysay, at Sangandaan.
Dahil dito, patuloy na hinihikayat ang mga residente na magsuot ng facemask lalo kung may sintomas ng sakot, at manatili sa bahay kung may sakit para maiwasang makahawa sa iba.
Pinapayuhan din ang mga magulang na agad dalhin sa pinakamalapit na health center ang mga batang may sintomas para masuri at mabigyan ng angkop na pangangalaga, gayundin ang mga matatanda, at mga taong may mahinang resistensya, lalo na kung lumalala o hindi nawawala ang mga sintomas.