Pinaghahanda ng Office of Civil Defense (OCD) ang iba’t ibang disaster management units, mga Lokal na Pamahalaan gayundin ang publiko kaugnay sa posibleng epekto sa bansa ng bagyong may international name na “Champi.”
Ayon sa OCD, ito ay matapos i-ulat ng PAGASA na posibleng pumasok ngayong araw sa Philippine Area of Responsibility (PAR) ang naturang sama ng panahon at tatawaging Bagyong “Rosal.”
Kahapon, nagsagawa ng Pre-Disaster Risk Assessment (PDRA) meeting ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NCRRMC) para talakayin ang mga ginagawang hakbang ng pamahalaan para paghandaan ang papalapit na bagyo sa bansa.
Inatasan din ni OCD Administrator at NDRRMC Executive Director, Undersecretary Harold Cabreros ang mga Regional DRRMC na paganahin ang kani-kanilang disaster preparedness measures, patatagin ang inter-agency coordination at tiyakin ang kahandaan mga tauhan gayundin ng kagamitan.
Inasahang itataas ang Wind Signals sa mga lugar sa Silangan at Hilagang Luzon gayundin sa ilang bahagi ng Bicol dahil sa bagyo.
Kaya naman inatasan ang mga kinauukulang ahensya ng pamaalaan na bantayang maigi ang ibubuhos na ulan ng bagyo, lebel ng mga dam, mga lugar na may banta sa pagbaha at pagguho ng lupa.
Gayundin ang kagyat na pagbababala at posibleng paglilikas lalo na sa mga nasa vulnerable sector gaya ng Senior Citizens, PWDs, at mga bata.

