Siniguro ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang buong suporta ng administrasyon para sa pagpapalakas ng operational capabilities ng Philippine Coast Guard (PCG), kahandaan nito sa maritime security, at mas malakas na international cooperation.
Ito aniya ay upang mapangalagaan ang maritime interest at sovereign rights ng bansa.
Sa Change of Command ceremony ng PCG, binigyang-diin ng pangulo ang mahalagang papel ng Coast Guard sa pagbibigay-proteksyon sa mga Pilipino, lalo na sa mga mangingisda.
Gayundin sa pagtugon ng PCG sa maritime emergencies at pagtataguyod sa karapatan ng bansa sa mga karagatang sakop ng Pilipinas.
Malaki rin aniya ang papel na ginagampanan ng PCG sa panahon ng kalamidad at sakuna, gayundin tuwing may emergencies na kinasasangkutan ng mga mangingisda at mga pampasaherong barko.
Ayon pa sa pangulo, sa maraming paraan, ang PCG ang nagsisilbing mukha ng mga Pilipino sa karagatan.
Kaugnay nito, nagpahayag ng tiwala ang pangulo sa bagong talagang commandant ng PCG na si Vice Admiral Rommel Supangan, dahil taglay aniya nito ang malawak na karanasan sa maritime operations.