Naka-taas na ang alerto ng Philippine Coast Guard (PCG) kaugnay ng inaasahang epekto ng Super Typhoon Champi sa bansa.
Sa panayam ng Bangon, Bayang Mahal kay PCG Spokesperson Commodore Noemie Cayabyab, itinaas na ang alert status ng PCG, na nangangahulugang 24/7 na rin ang deployment ng deployable response groups (DRG) ng PCG upang rumesponde sa mga maaapektuhan.
Partikular na rito ang evacuation efforts, logistics, at posibleng rescue operations para sa mga maaapektuhan ng pagbaha o makararanas ng aksidente sa karagatan at mga pantalan.
Patuloy rin ang information dissemination ng PCG, lalo na sa mga mangingisda, na pinapayuhang mag-ingat sa paglalayag dahil sa masamang panahon.
Partikular na binabantayan ngayon ng PCG ang Southern Luzon, Bicol Region, at Central Luzon, kung saan kinumpirma rin ng PCG na wala pang kanseladong biyahe hanggang ngayon.