Nasa loob na ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ang binabantayang Super Typhoon ng PAGASA na tatawagin nang Bagyong Rosal.
Ayon sa PAGASA, bandang 10:40 AM pumasok sa karagatang bahagi ng bansa ang bagyo.
Agad namang nagtaas ng Tropical Cyclone Wind Signal No. 1 ang PAGASA sa ilang lugar sa Luzon dahil sa banta ng bagyo.
Kabilang dito ang Batanes; silangang bahagi ng Babuyan Islands (Babuyan Is., Camiguin Is., Didicas Is.); silangang bahagi ng mainland Cagayan (Santa Ana, Gonzaga, Lal-Lo, Santa Teresita, Camalaniugan, Aparri, Buguey, Gattaran, Baggao, Peñablanca); hilagang-silangang bahagi ng Isabela (Maconacon, Divilacan, Palanan, San Pablo, Cabagan, Santa Maria, Tumauini, Ilagan City); at hilagang-silangang bahagi ng Catanduanes (Pandan, Bagamanoc, Panganiban, Viga, Gigmoto).
As of 11 AM, huling namataan ang bagyo sa layong 1,385 km silangan ng Central Luzon, taglay ang lakas ng hanging aabot sa 185 kph malapit sa gitna at pagbugsong umaabot sa 230 kph.
Ayon sa PAGASA, inaasahang kikilos pa-kanluran-hilagang-kanluran ang bagyo hanggang Miyerkules bago tumungo sa hilagang-kanluran. Posible itong manatiling super typhoon habang nasa Philippine Sea bago humina sa mga susunod na araw.
Pinayuhan ang publiko at mga lokal na disaster risk reduction and management office na patuloy na maghanda at sumunod sa mga abiso at direktiba ng mga lokal na awtoridad, lalo na sa mga lugar na mataas ang panganib sa pagbaha, malalakas na hangin, at iba pang epekto ng bagyo.