Pinaiiral na ng Disaster Response Command Center (DRCC) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang kanilang blue alert status dahil sa banta ng Super Typhoon Rosal.
Ayon sa DSWD, tuloy-tuloy ang kanilang monitoring at koordinasyon kasama ang mga national agency, local government unit, at field office para matiyak ang maagap at maayos na pagtugon sa mga lugar na posibleng maapektuhan ng sama ng panahon.
Kaugnay nito, inilagay na rin sa heightened alert ang lahat ng DSWD field office para sa agarang mobilisasyon ng Quick Response Teams (QRTs), pag-activate ng Camp Coordination and Camp Management (CCCM) operations, paghahanda ng Food and Non-Food Items (FNFIs), at pagpapatupad ng mga hakbang para sa proteksyon ng mga internally displaced person (IDPs).
Inihahanda na rin ng kagawaran ang mga disaster response vehicle at iba pang kagamitan upang matiyak ang mabilis na paghahatid ng tulong sa mga maaapektuhang komunidad kung kinakailangan.