Suportado ni House prosecutor at Bicol Saro Party-list Representative Terry Ridon ang pagrepaso sa Treason Law, ngunit iginiit na dapat munang imbestigahan ang umano’y ugnayan ng mga pro-Duterte at pro-China online personalities.
Kasunod ito ng panawagan ni Philippine Coast Guard spokesperson Rear Admiral Jay Tarriela na palakasin ang batas laban sa mga indibidwal na umano’y nagsusulong ng interes ng China.
Ayon kay Ridon, kailangang matukoy kung iisang propaganda network ang mga personalidad na nagtatanggol sa mga Duterte at sa China.
Gayunman, hindi sapat ang pagkakatulad ng kanilang mga pahayag upang patunayang bahagi sila ng iisang network o tumatanggap ng pondo mula sa Beijing.
Sa ilalim ng Article 114 ng Revised Penal Code, may partikular na rekisito ang kasong treason, kabilang ang pagkakaroon ng digmaan, kaya hindi awtomatikong krimen ang pagpapahayag ng suporta sa China.
Binigyang-diin ni Ridon, na dapat imbestigahan ang mga posibleng dayuhang panghihimasok lalo na sa gitna ng kontrobersiya sa mga pahayag ni Chinese Ambassador Jing Quan.
Giit niya, maaaring magkaiba ang mga Pilipino sa pulitika, ngunit dapat magkaisa sa pagtatanggol sa soberanya at teritoryo ng bansa.