Photo courtesy of Rep. Ching Bernos/FB
Nanawagan si Solid North Party-list Rep. Ching Bernos na itigil ang red-tagging sa mga lider at miyembro ng mga katutubong pamayanan sa bansa.
Ayon kay Bernos, vice chair ng House Committee on Indigenous Cultural Communities and Indigenous Peoples, inililihis ng red-tagging ang atensyon mula sa tunay na mga problemang kinakaharap ng mga Indigenous Peoples o IP communities.
Sa halip na pagbibintang, hinimok ng mambabatas ang mga awtoridad na makipag-usap sa mga katutubo, lalo na kung tumututol ang mga ito sa mga proyektong maaaring makaapekto sa kanilang mga komunidad.
Binigyang-diin din ni Bernos ang kahalagahan ng pagpapatupad ng Republic Act 8371 o Indigenous Peoples’ Rights Act of 1997, na nagpoprotekta sa karapatan ng mga katutubo sa kanilang ancestral domain at sa pagkakaroon ng representasyon sa pamahalaan.
Ang panawagan ay ginawa ng mambabatas bilang pakikiisa sa pagdiriwang ng Indigenous Peoples Month ngayong Oktubre.