Ipinanawagan ng Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) na dapat tiyaking kasama ang mga manggagawa sa pagsusuri at pagbabago ng mga regulasyon ng pamahalaan, upang hindi maisantabi ang kanilang mga karapatan sa pagsusulong ng mas madaling pagnenegosyo.
Sa isang talakayan tungkol sa regulatory reform na bahagi ng 11th Meeting of the ASEAN-OECD Good Regulatory Practices Network, iginiit ni Carlos Miguel Oñate ng TUCP na hindi sapat na gawing mas madali ang pagnenegosyo kung mananatiling mahirap para sa mga manggagawa ang pag-oorganisa ng unyon at pagtatanggol sa kanilang karapatan.
Binigyang-diin niyang dapat magkaroon ng makabuluhang tripartite consultation sa pagitan ng pamahalaan, mga employer, at mga manggagawa bago bumuo o magpatupad ng mga polisiya.
Iminungkahi rin ng TUCP ang tripartite impact assessment upang masukat kung epektibo ang mga reporma at kung may sapat na proteksiyon para sa mga manggagawa.
Kabilang din sa mga panukala ang pagtatatag ng Tripartite Labor Rights Advisory Board sa mga ahensiya ng pamahalaan upang matiyak ang partisipasyon ng mga kinatawan ng manggagawa sa pagsusuri ng mga regulasyon.
Ayon kay Oñate, mahalagang pakinggan ang aktuwal na karanasan ng mga manggagawa sa pagbuo ng mga reporma upang mapagaan ang burukrasya nang hindi isinasakripisyo ang kanilang mga karapatan. | ulat ni Ej Lazaro