Isinusulong ng mga kalahok sa ika-11 pulong ng ASEAN-OECD Good Regulatory Practice Network ang paggamit ng Regulatory Impact Assessment o RIA upang matiyak na ang mga panukalang regulasyon ay nakabatay sa datos at kapaki-pakinabang sa publiko.
Sa nasabing pulong, ibinahagi ng Indonesia ang planong isama ang RIA sa pagpaplano ng mga bagong regulasyon nito simula sa 2027, habang ipinakilala naman ng Pilipinas ang Philippine Business Regulations Information System (PRIS), na naglalaman ng mga regulasyon at kaugnay na RIA reports.
Binigyang-diin din ng New Zealand ang kahalagahan ng paglalathala ng mga pagsusuring ito para sa transparency at pananagutan ng pamahalaan.
Sa Pilipinas, mahalaga ang RIA sa pagsusulong ng mga reporma ng Anti-Red Tape Authority (ARTA) at sa pagpapatupad ng Ease of Doing Business Act, na ganap na naging batas noong 2018 na nagtitiyak na ang mga regulasyon ay kinakailangan, episyente, at hindi nagdudulot ng hindi kailangang pasanin sa mga mamamayan at negosyo.