Walang-patid ang pagtutok ng Women’s Business Council Philippines (WBC) sa patuloy na pagpapalakas sa papel ng mga kababaihan sa sektor ng kalakalan at ekonomiya.
Bilang pangunahing boses ng mga kababaihang negosyante sa bansa, iginiit ni WBC President Rosemarie Bosch-Ong na patuloy na isinusulong ng WBC ang mga programang naglalayong palawakin ang access ng kababaihan sa mga pambansa at internasyonal na pamilihan.
Ayon kay Bosch-Ong, malaking oportunidad ang ibinibigay ng 4th ASEAN Women Leaders’ Summit upang makaimpluwensya sa mga patakarang nagpoprotekta sa mga kababaihan sa negosyo, pati na rin ang paglikha ng direktang ugnayan sa mga potensyal na mamimili at mamumuhunan sa rehiyon.
Bukod dito, binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng Digital Economy Framework Agreement, na nagbubukas ng mas malawak na pintuan para sa mga babaeng business leader upang maipamalas at maipagbili ang kanilang mga produkto at serbisyo sa pamamagitan ng makabagong teknolohiya.
Ipinakikita rin sa huling datos ng Department of Trade and Industry (DTI) ang patuloy na pagdami at lumalagong partisipasyon ng mga kababaihan sa negosyo at pangkalahatang ekonomiya.
Sa kabila ng pag-unlad na ito, ipinaalala ni Bosch-Ong na habang nagiging mas madali na ang pagkuha ng pondo at kapital para sa mga babaeng entrepreneurs, nananatiling napakahalaga ng tamang pagsasanay sa pamamahala ng negosyo.
“Ang negosyo hindi dapat extension ng wallet,” diin ni Bosch-Ong, na nagpapaalala sa kahalagahan ng disiplina sa pananalapi at hiwalay na paghawak ng pondo ng negosyo mula sa personal na pera upang matiyak ang matagumpay at napapanatiling paglago nito.