Photo courtesy of Lakambini Facebook Page
Isinusulong ngayon sa Kongreso ang mabilisang pagpasa sa Lakambini Act, isang panukalang batas na naglalayong isama at gawing mandatoryo sa kurikulum ng mga pampubliko at pribadong paaralan sa bansa ang pagtuturo ng buhay, kasaysayan, at kontribusyon ng mga kababaihang bayaning Pilipino.
Unang inihain sa Mababang Kapulungan ang panukala ng mga kinatawan ng Akbayan Party-list na sina Representative Dadah Kiram Ismula, Chel Diokno, at Percival Cendaña, habang sa Senado naman ay isinusulong ang Senate Bill No. 2120 na inakda ni Senador Risa Hontiveros.

Sa ilalim ng panukalang batas na ito, aatasan ang Department of Education (DepEd) at Commission on Higher Education (CHED) na bumuo ng mga angkop na modyul at materyales sa pagtuturo na magbibigay-diin sa papel ng kababaihan sa pagbuo ng nasyon, partikular na ang mga nagmula sa lokal, katutubo, at mga marginalized na komunidad.
Ayon sa National Historical Commission of the Philippines (NHCP), ang hakbang na ito ay napapanahon din para sa paghahanda sa idineklara nilang “2027 Year of Women in Philippine History”.
Layon ng batas na masigurong hindi na maiisantabi sa mga textbook ang boses at tapang ng mga tulad ni Gregoria “Oriang” de Jesus at iba pang kababaihang lumaban para sa kalayaan ng bansa.
Ayon kay Direk Ellen Ongkeko-Marfil, layunin ng proyektong ito na buhayin ang boses at itampok ang integridad, tapang, at pambihirang sakripisyo ni Gregoria “Oriang” de Jesus upang magsilbing inspirasyon sa mga kabataan ngayon.