Photo courtesy of Department of Transportation (DOTr)
Hayagang pagkadismaya ang ipinakita ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Vince Dizon matapos matuklasan na wala pa sa kalahati ng 50 bus company ang tumalima o nag-comply sa Show Cause Order (SCO) na inisyu sa kanila.
Ang direktang kautusang ito ay ipinataw sa mga kumpanya noong una siyang maupo bilang kalihim ng ahensya.
Ginawa ni Sec. Dizon ang pahayag na ito kasunod ng isinagawa niyang inspeksiyon sa tatlong pangunahing bus terminal sa Sampaloc, Maynila.
Ayon sa kalihim, hindi katanggap-tanggap ang ganitong klaseng pagwawalang-bahala sa mga kautusan lalo pa’t ang mga ito ay para sa kapakanan at kaligtasan ng publiko.
“Negosyo n’yo ‘to, pinagkakakitaan n’yo ‘to, pero bigyan n’yo naman ng dignidad man lang ‘yung mga mananakay natin na maayos ang CR, maayos ang waiting area, komportable sila, at pang-apat, kailangan sigurado tayo na safe ‘yung mga bus, ‘yung mga driver natin,” ani Dizon.
Bunsod ng kabiguang tumugon ng karamihan sa mga kumpanya, nagbanta si Sec. Dizon na tuluyang ipapasara ang mga terminal ng mga bus company na patuloy na magmamatigas at hindi aaksyon sa ibinigay na show cause order.
Patuloy na hihigpitan ng DOTr ang pagbabantay upang matiyak na nasusunod ang mga pamantayan sa kaligtasan at kaginhawaan ng mga pasahero sa mga pampublikong terminal.