Binigyang-diin ng prosecution team na ang mga iprinisentang financial figures at opisyal na dokumento laban kay Vice President Sara Duterte ay sapat nang ebidensya para patunayan ang diumano’y unexplained wealth nito.
Ayon kay Prosecution Spokesperson at Adviser Ace Barbers, mismong ang mga dokumentong isinumite ng Bise Presidente sa mga ahensya ng pamahalaan gaya ng BIR ang nagpapatunay sa kaso.
Batay sa ulat ng walong bangko sa Senate Impeachment Court, may bank balance ang Bise Presidente at ang kanyang asawa na si Manases Carpio na umabot sa P22 million noong katapusan ng 2024.
Bukod pa rito ang naiulat na year-end balances na P59 million noong 2022, P71 million noong 2023, at P39 million noong 2025.
Nilinaw ng prosecution na sa kabila ng mga halagang ito, nakatala sa Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) ni VP Sara mula 2019 hanggang 2025 na wala siyang idineklarang “cash on hand/cash in bank”.
Pinaalala rin ni Barbers ang testimonya ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) ukol sa higit P4.4 billion na mga transaksyon ng mag-asawa na kinabibilangan ng parehong covered at suspicious transactions.
Inaasahang magiging hamon para sa kampo ng Bise Presidente na pasinungalingan ang mga pahayag at pormal na ulat ng BIR at AMLC kapag nagsimula na ang paghaharap ng kanilang ebidensya.