Tiniyak ng National Food Authority (NFA) na nananatiling sapat ang suplay ng bigas ng bansa kasunod na rin ng inaasahang epekto ng El Niño sa sektor ng agrikultura na posibleng magpababa sa ani ng mga magsasaka.
Sa panayam ng programang Boses kay NFA Administrator Dr. Larry Lacson, sinabi niyang inaasahan na nila ang posibilidad na ilang mga lugar sa bansa ang magdeklara ng state of calamity dahil sa El Niño at handa naman umano itong suplayan ng bigas ng NFA.
Ani Lacson sa ngayon ay may 7 days buffer stock ang palay na katumbas ng nasa mahigit 200,000 metric tons ng bigas o 5.6 milyong sako ng bigas.
Hindi umano tumitigil sa paggiling ng bigas ang NFA upang tiyaking napapanatili ang sapat na suplay ng bigas sa bansa.
Mas agresibo na rin ang NFA sa pagbili ng palay sa mga magsasaka lalo’t malaki-laki pa ang espasyo ng mga warehouse ng NFA para tumanggap ng karagdagang suplay ng bigas.
Sa katunayan itinaas na sa halos ₱30 ang pagbili ng NFA sa clean and dry palay habang naglalaro sa 24 hanggang 25 pesos ang pagbili naman sa fresh palay.
Sa ngayon karagdagang mga istratehiya pa ang ipinatutupad ng NFA upang mas mapataas ang stocks ng bigas sa bansa.