Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang pagbubukas ng NLEX Segment 8.2 Section 1A na magdurugtong sa Mindanao Avenue sa Valenzuela city at Quirino Highway sa Quezon city.
Ayon sa Pangulo, sinikap nilang mabuksan ang nasabing toll plaza bago pa ang Undas nang sa gayon ay hindi gaanong mahirapan ang ating mga kababayan na magsisipagbiyahe at tutungo sa iba’t ibang mga libingan.
Dalawang kilometro ang haba ng NLEX Segment 8.2 Section 1A pero sabi ng Pangulo ay malaking bagay ito sa mga motorista lalo’t hindi na aniya malayo ang kanilang iikutan.
Ang dati aniyang biyahe na tumatagal ng 40 minuto mula Mindanao Ave., sa Valenzuela hanggang Quirino ay magiging 5 minuto na lang ngayon.
Kaugnay nito’y inanunsiyo din ng Pangulo na libre hanggang katapusan ng taon ang toll sa bagong bukas na NLEX Segment 8.2 Section 1A.