Pinaiimbestigahan ni Kamanggagawa Party-list Representative Elijah San Fernando ang kahandaan ng Department of Labor and Employment o DOLE na tiyakin ang kaligtasan ng mga manggagawa sa harap ng matinding init na dulot ng matinding El Niño.
Sa House Resolution 1566, hiniling ni San Fernando sa Kamara na suriin ang pagpapatupad ng mga pamantayan sa kaligtasan sa trabaho, kabilang ang regular na inspeksyon at mga mandatory na hakbang para sa mga lantad sa matinding init.
Giit ng mambabatas, hindi sapat ang simpleng paalala sa mga employer dahil kailangan ng mahigpit na pagpapatupad ng mga patakaran at pananagutan sa mga paglabag.
Nais din niyang matiyak ang pagpapatupad ng Occupational Safety and Health Standards Law, kabilang ang karapatan ng mga manggagawa na tumanggi sa trabahong nagdudulot ng panganib sa kanilang kalusugan.
Iminungkahi rin niya ang work-rest schedule na ibabatay sa heat index at proteksyon sa sahod ng mga manggagawang mababawasan ang oras ng trabaho dahil sa matinding init.
Ayon sa PAGASA, posibleng magpatuloy ang El Niño hanggang sa kalagitnaan ng 2027, habang naglabas naman ang DOLE ng Labor Advisory Number 20 noong Oktubre 27 para sa mga gabay sa kaligtasan sa lugar ng trabaho.