Sa gitna ng mga ulat ng insertion sa 2027 national budget, nanawagan si Mamamayang Liberal Party-list Representative Leila de Lima para sa agad na pagsasabatas ng Citizen Access and Disclosure of Expenditures for National Accountability (CADENA) Act upang matiyak ang transparency at pananagutan sa paggamit ng pondo ng bayan.
“Bantay-sarado dapat lagi ang Pambansang Budget, para may magamit lalo na ‘pag may krisis, sakuna at banta tulad ng Super El Niño,” wika ni Lima sa isang post sa X (dating Twitter).
“Wag nang itengga: CADENA ACT, ISABATAS!” dagdag pa niya.
Inihain ni De Lima ang House Bill No. 6898 noong December 18, 2025 bilang counterpart measure ng Senate Bill No. 1506 ni Senador Bam Aquino, na inaprubahan ng Senado sa ikatlo at pinal na pagbasa noong December 15, 2025, sa botong 17 pabor at walang tumutol o nag-abstain.
Nakiisa ang mambabatas mula sa Bicol sa lumalakas na panawagan para sa pagpasa ng CADENA Act, kasunod ng mga naunang panawagan nina Navotas Representative Toby Tiangco at Marikina 1st District Representative Marcy Teodoro na maisabatas ito upang isulong ang transparency at pananagutan sa pamahalaan at maibalik ang tiwala ng publiko sa mga institusyon ng gobyerno.
Ikinadismaya ni Tiangco ang kawalan ng usad ng panukala sa Mababang Kapulungan, na aniya’y nagpapalakas sa hinala ng publiko at nagpapahina sa tiwala nito sa mga opisyal ng pamahalaan.
“Wala akong choice kung hindi maghinala, because ayaw maging transparent. When something is not transparent, lalo kang naghihinala,” ani Tiangco.
Ayon kay Tiangco, inaprubahan na ng House Committee on Information and Communications Technology ang CADENA Act, ngunit ilang buwan na itong nakabinbin sa House Committee on Appropriations.
“Alam naman natin, kapag hindi gumagalaw ang isang bill sa Committee on Appropriations, ayaw,” aniya.
Samantala, hinimok din ni Teodoro ang kanyang mga kasamahan sa Kamara na bigyang-prayoridad ang pagpasa ng CADENA Act, dahil makatutulong ang panukala upang palakasin ang transparency at pananagutan sa mga proyekto ng pamahalaan.
Ayon kay Teodoro, dapat kabilang ang CADENA Act sa mga prayoridad na panukalang isusulong ng mga mambabatas sa kasalukuyang sesyon upang higit na maging bukas sa publiko ang paggamit ng pambansang badyet at matiyak na napupunta sa tamang paggagamitan ang pera ng taumbayan.
“Of course, ‘yung CADENA Bill ay inaasahan natin magiging priority bill natin itong second regular session para ‘yung access to information and to procurement ay mas maging transparent at ‘yung accountability na sinasabi ay mangyari,” ani Teodoro.
Nanawagan din si Aquino sa House of Representatives na aksyunan ang panukala, na halos 11 buwan nang nakabinbin sa Kamara mula nang maaprubahan ito ng Senado.