Habang napipinto na ang muling pagbubukas ng voter registration para sa 2028 National and Local Elections, nag-abiso ang Commission on Elections Makati na pansamantala munang sarado tuwing Lunes ang kanilang opisina.
Batay sa abiso ng lokal na pamahalaan ng Makati magsisimula, ito sa November 9 hanggang sa March 29, 2027.
Tuwing Lunes lang naman pansamantalang sarado ang opisina ng COMELEC Makati upang magpatupad ng work from home arrangement sa mga empleyado.
Paliwanag ng LGU ito ay bilang pagsuporta sa national energy conservation efforts ng pamahalaan.
Pinapayuhan naman ang mga residente na kung nais magkaroon ng transaksyon sa COMELEC office ay planuhin ito ng mas maaga at hindi tuwing araw ng Lunes.
Matatandaan na inanunsyo ng COMELEC na bubuksan na ang voter registration para sa 2028 elections sa November 10 o Martes sa susunod na linggo magtatagal naman ito hanggang July 30, 2027. Ang voter registration din ay tuwing Martes hanggang Biyernes lamang at maaari ding magiskedyul ng Sabado o kapag may holiday.