Binigyang-linaw ni Agriculture Assistant Secretary U-Nichols Manalo sa harap ng mga mambabatas ang isyu sa maling coordinates ng walong farm-to-market road (FMR) projects na napuna sa budget hearing ng Senado kamakailan.
Ayon kay Manalo, walo lamang sa kabuuang 1,669 na FMR projects sa National Expenditure Program (NEP) ang may problema sa geotagging coordinates.
Diin pa niya na hindi insertions ang mga ito.
Agad aniyang kumilos ang Department of Agriculture (DA) upang imbestigahan ang insidente. Inimbitahan pa ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. ang People’s Budget Coalition, na unang naglantad sa maling coordinates, upang talakayin ang naturang isyu.
Gayunman, possible aniyang hindi na maipatupad ang walong proyekto dahil nakapaloob na ang mga ito sa NEP at hindi basta-basta maaaring baguhin ang lokasyon kapag naaprubahan na ang pondo.
Nagpapatuloy naman aniya ang pagsusuri ng DA sa iba pang FMR projects upang matiyak na walang kaparehong pagkakamali.
Pero iginiit ni Appropriations Committee Vice Chair at Camarines Sur Rep. Arnie Fuentebella na hindi pa tapos ang proseso ng pag-apruba sa pambansang budget dahil dadaan pa ito sa Kamara, Senado at bicameral conference committee at maaari ring i-veto ng Pangulo.
Paalala ni Fuentebella, maaari pang itama ang mga pagkakamali sa coordinates habang nagpapatuloy ang deliberasyon sa panukalang budget.