Puspusan na ang isinasagawang paghahanda at mga pagpupulong ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) kasama ang iba pang stakeholders, ahensiya ng pamahalaan at local government units (LGUs) para sa mga ruta at traffic management plan, para sa isasagawang 49th ASEAN Summit and related Summits sa November 16 hanggang 18.
Sa panayam ng programang Boses, sinabi ni MMDA Traffic Discipline Office Director for Enforcement Atty. Victor Nuñez, na una nilang tiniyak na matatapos sa tamang oras ang lahat ng roadworks partikular na sa EDSA upang maiwasang makita itong nakatiwangwang at hindi pa tapos.
Nakikipag-ugnayan na rin ang MMDA sa mga siyudad tulad ng Maynila, Pasay, Parañaque, Taguig, at Makati kung saan gaganapin ang mga mahahalagang pulong ng ASEAN at mga delegado nito.
Paglilinaw pa ni Nuñez, na mananatili namang bukas ang karamihan sa mga pangunahing kalsada at daanan maliban na lamang sa mga daan sa palibot ng CCP at PICC Complex.
Isasara na rin ang mga nasabing daan sa CCP at PICC sa November 7 bilang paghahanda sa latag naman ng seguridad para sa ASEAN Summit.