Kailangang mag-angkat ang Pilipinas ng bigas at iba pang produktong agrikultural bago pa lumala ang epekto ng El Niño sa bansa.
Ito ang binigyang-diin ni Department of Agriculture (DA) Spokesperson Assistant Secretary Arnel de Mesa sa Kapihan sa Manila Bay.
Ayon kay De Mesa, bagama’t sapat ang kasalukuyang suplay ng pagkain, mahalagang magkaroon ng karagdagang reserba upang maiwasan ang posibleng kakulangan kapag lumala ang tagtuyot.
Iginiit ng opisyal na mas mabuting maging handa ang pamahalaan sa kabila ng mga batikos kaysa malagay sa alanganin ang suplay ng pagkain sa bansa.
Paliwanag pa ni De Mesa, hindi lamang Pilipinas ang apektado ng El Niño kundi maging ang ibang bansang pinagkukunan ng inaangkat na mga produktong agrikultural.
Samantala, patuloy na mino-monitor ng DA ang kalagayan ng mga magsasaka at mangingisdang apektado ng matinding init upang mabigyan sila ng kaukulang tulong.