Natapos na ng sampung engineers ng Philippine Space Agency ang rocket training sa South Korea bilang paghahanda sa demonstration launch ng sounding rocket sa unang bahagi ng 2027.
Isinagawa ang pagsasanay sa Rocket Development Complex ng Perigee Aerospace, kung saan natutunan ng mga engineers ang aktuwal na pag-assemble, integration at testing ng liquid-fueled rocket.
Kabilang sa kanilang isinagawa ang Dry Run, Wet Dress Rehearsal at Static Fire Test bilang bahagi ng paghahanda sa aktuwal na operasyon.
Ayon kay PhilSA Acting Director General Gay Jane Perez, ipapadala sa Pilipinas ang rocket at ground support equipment para sa final assembly at testing sa Cagayan.
Isinasagawa ang proyekto sa ilalim ng SIKLAB Project ng PhilSA, na naglalayong paunlarin ang kakayahan ng bansa sa rocket launching.
Inaasahang magbubukas ito ng mas maraming oportunidad para sa mga Pilipinong engineers, researchers at lokal na industriya ng kalawakan.