Hinimok ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) ang mga naghahanap ng sariling bahay sa Mindanao na dumalo sa gaganaping Mindanao Housing Fair 2026 sa Davao City sa susunod na linggo, November 12 at 13.
Ayon sa DHSUD, mahigit 20,000 ready-for-occupancy housing units mula sa mahigit 40 property developer ang itatampok sa dalawang araw na aktibidad.
Gaganapin ito sa SMX Convention Center Davao, sa ikatlong palapag ng SM Lanang Premier, kung saan maaaring mamili ang mga home seeker mula sa iba’t ibang housing option at alamin ang mga special offer at incentive para sa mga bibili ng bahay.
Magkakaroon din ng on-site assistance mula sa Pag-IBIG Fund para sa mga interesadong mag-apply ng housing loan.
Bahagi ang aktibidad ng 2nd National Housing Expo Series at ng pagsisikap ng DHSUD, Pag-IBIG Fund at iba pang shelter agencies na palawakin ang oportunidad para sa homeownership sa ilalim ng Expanded Pambansang Pabahay para sa Pilipino o Expanded 4PH Program.