Nanindigan si Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla na hindi nakalabas ng Quezon City Jail-Male Dormitory si dating House Speaker Martin Romualdez.
Sa ambush interview sa Kampo Crame, sinabi ni Remulla na “chismis” lang ang kumalat na impormasyon mula sa kolumnistang si Ramon Tulfo.
Mayroon aniyang CCTV footage ang Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) na magpapatunay na hindi nakalabas ng pasilidad ang mambabatas.
Kasunod nito, kanyang inanyayahan ang mga myembro ng media na sumama sa kanya sa BJMP para sa inspeksyon at patunayan na hindi nakakalabas si Romualdez.
Sa katunayan nga, sinabi ni Remulla na hindi tumatanggap ng bisita sa labas si Romualdez at kakaunti lang ang bumibisita rito kung mayroon man.
Samantala, kinumpirma naman ng Kalihim ang pagbagsak ng timbang ni Romualdez buhat pa noong isang taon, panahon kung kailan pumutok ang usapin sa flood control controversy.
Una nang itinanggi ng BJMP na nakapuslit sa kanilang kustodiya si Romualdez at nananatili pa rin ito sa loob batay sa mga larawang kanilang ibinihagi noong November 4.
Sinabi pa ni Remulla, na wala rin aniyang naganap na anumang power interruption na maaring makahadlang sa operasyon ng CCTV.
Sinuri mabuti ng BJMP ang CCTV at ito ay operational at walang naitalang anumang hindi nairecord na paggalaw.