Pinaigting ng Department of Agriculture (DA) ang pagbabantay sa presyo ng mga produktong agrikultural upang maiwasan ang pananamantala sa mga mamimili sa gitna ng epekto ng El Niño.
Ayon kay DA Assistant Secretary U-Nichols Manalo, mino-monitor ng ahensiya ang presyo sa farm-gate, wholesale at retail level upang matukoy kung may hindi makatwirang pagtaas sa presyo ng mga produkto.
Sinabi ni Manalo na inihahambing din ng DA ang presyo ng mga produkto sa pinanggalingang lugar at sa pamilihan, upang matukoy kung may labis na patong sa presyo.
“Ang directive ng ating Pangulo, maiwasan natin yung mga nagpapro-profiteering, lalo ngayon na nasa disaster po tayo, nasa calamity tayo,” ani Manalo.
Kapag nakitaan ng sobrang laki ng price margin, ipinapaabot umano ito ng DA sa kinauukulang lokal na pamahalaan at Local Price Coordinating Council para maaksyunan.
Kasabay nito, pinalalakas din ng ahensiya ang Kadiwa program upang mailapit sa mga mamimili ang mga produktong agrikultural sa mas abot-kayang halaga.