Binigyang-diin ni House Speaker Faustino Dy III na hindi lahat ng pagbabagong ginagawa ng Kongreso sa pambansang badyet ay mali.
Ayon kay Dy, tungkulin ng mga kongresista na ipaglaban ang pangangailangan ng kanilang mga distrito, basta’t maayos ang mga proyekto, kumpleto ang dokumentasyon at may tunay na pakinabang sa mamamayan.
Kasabay nito, nagpahayag ng suporta ang Speaker sa mga panukalang gawing mas bukas, malinaw at transparent ang proseso ng paggawa ng pambansang badyet.
Nais aniya ng Kamara na malaman ng publiko kung saan napupunta ang kanilang buwis, sino ang nagpanukala ng mga proyekto at kung sino ang makikinabang sa mga ito.
Nangako rin si Dy na handang ilabas ng Kamara ang mga kinakailangang dokumento at makipagtulungan sa mga civil society group upang masuri ng publiko ang mga proyekto ng gobyerno.
Giit ng Speaker, walang dapat itago kung walang ginagawang mali at walang dapat katakutan kung ang layunin ay maglingkod nang tapat.
Dagdag pa niya na pera ng taumbayan ang pambansang badyet kaya karapatan nilang malaman kung paano ito ginagastos. | ulat ni Kathleen Forbes