Itinuturing nang person of interest ng mga awtoridad ang 60 taong gulang na si Thomas Markle Jr. na anak ni Thomas Markle Sr., kaugnay ng kaso ng umano’y child sexual abuse materials.
Sa ambush interview kay DILG Secretary Jonvic Remulla sa Camp Crame, sinabi nitong may mga testigong nagsabing may mga menor de edad na babae umanong dinadala sa bahay ng anak sa Cebu.
Nabatid na siya rin ang nagsuko sa mga awtoridad ng mga electronic device at personal na gamit na naiwan ng kanyang ama. Gayunman, nilinaw ni Remulla na hindi pa siya itinuturing na suspek, at inaasahang malalaman sa susunod na linggo kung may kaugnayan siya sa kaso.
Ayon kay Remulla, nakarekober ang mga awtoridad ng tinatayang 7,500 larawan at isang video na umano’y nagpapakita ng pang-aabuso sa mga menor de edad, kabilang ang mga batang 10 at 11 taong gulang.
Sa ngayon, nakikipag-ugnayan ang mga awtoridad sa Federal Bureau of Investigation (FBI) para alamin kung nakarehistro kay Markle Sr. ang SIM ng anim na cellphone na nagmula sa Estados Unidos.