Iginiit ni Senator-Judge Ping Lacson na mas mataas ang admissibility at probative weight ng isang admission against interest, lalo na kung notaryado ito, kumpara sa mga opisyal na public documents.
Inilahad ito ni Lacson sa ika-42 araw ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte, habang kinukuwestiyon ang corporate counsel ng GenCorp na si Atty. Suzette Balucanag-Punay. Tinanong ni Lacson sa testigo kung alin ang mas mabigat na ebidensya: ang notarized admission against interest o ang mga dokumentong nakahain sa Securities and Exchange Commission o SEC.
Ito ay may kaugnayan sa talakayan tungkol sa paglalagay ni VP Sara sa kanyang SALN na bahagi siya ng GenCorp, na taliwas sa testimonya ni Punay na nagsabing base sa General Information Sheet (GIS) ng kumpanya ay hindi nito bahagi ang bise presidente.
Tinukoy ni Lacson ang Section 27, Rule 130 ng Rules of Court, na nagsasaad na maaaring gamiting ebidensya laban sa isang partido ang kaniyang kilos, pahayag o hindi pagkilos kaugnay ng isang mahalagang katotohanan.
Aniya, mas mabigat pa ang naturang pag-amin ng bise presidente dahil notarized ang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) nito.Sinuportahan naman ito ng private prosecutor na si Atty. Lorna Kapunan, na nagsabing pinakamataas ang admission sa hierarchy of evidence.