Patungkol sa matatag na suplay ng pagkain at enerhiya ang pokus ng ginawang ASEAN Plus Three Summit ngayong umaga.
Sa opening statement ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr., sinabi nitong maaaring makalikha ng epekto ang isang krisis sa buong Silangan at Timog-Silangang Asya na makikita sa pagsipa sa presyo ng bigas, pagmahal ng enerhiya, o pagkawala ng kita sa isang araw.
Sa pamamagitan aniya ng pagbubuklod- buklod ay masisiguro ang seguridad para sa mga tao at malaking kumpiyansa sa hinaharap.
Binigyang-diin ng Pangulo na malaki ang magagawa ng ASEAN Plus Three gayundin ang kooperasyon ng mga bansang kasapi sa ASEAN para sama-samang tumugon at umasiste sa mga bansang nangangailangan ng tulong.
Ang dapat aniyang matiyak sabi ng Pangulo ay masigurong tuluy-tuloy ang suplay ng pagkain at enerhiya habang tuloy tuloy ang pagtakbo ng mga negosyo sa gitna ng supply disruptions, financial uncertainty at mga kalamidad.