Inilunsad ng Department of Budget and Management ang bagong tracker para masubaybayan ng mga government employees ang status ng kanilang Performance-Based Bonus o PBB para sa taong 2024.
Nagsimula ang FY 2024 PBB Tracker noong November 6 na nagbibigay ng lingguhang update sa compliance, assessment, at funding release status ng bawat ahensya.
Ayon kay DBM Secretary Kim Robert De Leon, nauunawaan nila ang paghihintay ng mga empleyado sa kanilang bonus at tiniyak na agad na ipoproseso ang funding requests kapag kumpleto na ang mga requirements.
Nilinaw ng kalihim na bagama’t para sa performance noong 2024 ang bonus, nakadepende ang release nito sa assessment, validation, at iba pang requirements, na popondohan sa ilalim ng 2026 General Appropriations Act.
Kailangang makakuha ng hindi bababa sa 70 points ang mga ahensya sa apat na assessment areas, habang ang mga empleyado naman ay kailangang magkaroon ng performance rating na Very Satisfactory pataas at matugunan ang iba pang eligibility requirements.
Matapos ang validation at pag-isyu ng Final Eligibility Assessment Report, may 20 calendar days ang ahensya para isumite sa DBM ang ranking of offices o delivery units para sa processing ng funding request.
Binigyang-diin ni De Leon na hindi lahat ng pending PBB ay nasa DBM na, dahil maaaring nasa assessment, validation, o completion of documentary requirements pa ang mga ahensya.
Maaari nang makita ang lingguhang updates sa official social media pages ng DBM.
📸 DBM