Photo courtesy of Deputy Speaker Rachel Arenas
Suportado ng mga member parliament ng ASEAN Inter-Parliamentary Assembly o AIPA ang panukalang pagtatatag ng ASEAN Artificial Intelligence Center na inisyatiba ng Pilipinas.
Layon nito na palakasin ang pagtutulungan ng mga bansa sa rehiyon sa pamamahala at responsableng paggamit ng artificial intelligence o AI.
Nakasaad ito sa Joint Communiqué na nilagdaan ng mga delegasyon sa pagtatapos ng ika-47 AIPA General Assembly sa Maynila.
Sa ilalim ng kasunduan, hinikayat ang mga miyembrong bansa na palakasin ang kanilang mga batas at polisiya upang matiyak na ligtas, patas, transparent at responsable ang paggamit ng AI, habang pinangangalagaan ang seguridad at privacy ng publiko.
Isinusulong din ang kooperasyon sa pamamagitan ng ASEAN AI Safety Network, gayundin ang pagpapalawak ng kaalaman sa AI at pagsasanay sa mga manggagawa upang makasabay sa mabilis na pagbabago ng teknolohiya.
Ayon kay Senior Deputy Speaker Ferdinand Hernandez, mahalagang maunawaan ng mga bansa ang epekto ng AI dahil maaari itong makatulong ngunit maaari ring magdulot ng pinsala, partikular sa trabaho, negosyo, cybersecurity at pang-araw-araw na pamumuhay.
Kasamang binigyang-diin sa resolusyon ang proteksyon sa kababaihan at mga bata laban sa diskriminasyon at pang-aabuso na maaaring idulot ng AI.