Mariing itinanggi ni Lanao del Sur 1st District Representative Zia Alonto Adiong ang kumakalat na pahayag sa social media na nagsasabing “Wala nang lugar ang mga Duterte sa Mindanao.”
Ayon kay Adiong, hindi nagmula sa kaniya ang naturang pahayag at wala siyang anumang sinabi o isinulat na may ganitong mensahe.
Tinawag ni Adiong na gawa-gawa at malisyosong hakbang ang pagpapakalat nito upang ilihis ang atensyon ng publiko mula sa mga isyung kinakaharap ni Vice President Sara Duterte sa nagpapatuloy na impeachment proceedings.
Sinabi rin ng mambabatas na nagpapakita lamang ito ng kakayahan ng ilang tagasuporta at kaalyado ng Bise Presidente na gumawa at magpalaganap ng maling impormasyon upang palabasing inosente si Duterte.
Hinimok naman niya ang publiko na maging mapanuri at huwag basta maniwala sa mga hindi beripikadong impormasyon, lalo’t papalapit na ang pagdedesisyon ng korte sa impeachment case.