Naaresto na ng Philippine National Police (PNP) ang suspek sa pananaksak at pagnanakaw sa isang 72 taong gulang na dating party-list representative sa Antipolo City, Rizal.
Sa pulong balitaan sa Camp Crame, sinabi ni PNP spokesperson PBGEN Allen Rae Co na hinoldap at sinaksak ang biktima bandang alas-1:45 ng hapon noong November 17 malapit sa isang grocery store sa Barangay Dalig.
Nagawa pa ng biktima na dalhin ang sarili sa ospital, pero hindi na siya nailigtas.
Batay sa paunang imbestigasyon, naghahanap umano ang suspek ng mabibiktima at nilapitan ang matanda na may bitbit na grocery.
Posibleng nanlaban aniya ang biktima kaya siya sinaksak. Matapos ang krimen, kalmado naglakad ang suspek at sumakay ng tricycle, na nakuhanan ng CCTV.
Naaresto ng pulisya ang suspek na si alyas “Boyet” sa kanyang tinutuluyan noong November 20. Dito narekober ang wallet, mga card, at cellphone ng biktima.
Sa ngayon, isasailalim siya sa inquest proceedieng para sa kasong robbery with homicide. Lumabas din na may nakabinbin na siyang warrant of arrest para sa kasong robbery sa Northern Samar mula pa noong 2021.
Kaugnay nito, muling pinaalalahanan ng PNP ang publiko na huwag nang manlaban sa mga holdaper. “Material things can be recovered, can be earned again ‘yung money, ‘di ba? And besides, ‘pag may nangyari pong ganito, ang inyo pong kapulisan naman ay gagawin ang lahat ng aming effort to retrieve and to apprehend ‘yung gumawa. But ‘yung—again, palagi nating naririnig—’yun pong buhay ay hindi na maibabalik. So it is our advice na as much as possible, huwag na pong manlaban, especially kasi hindi po natin alam ang isip ng mga gumagawa ng ganyan,’ ani Co.