Tiniyak ng Philippine National Police (PNP) ang tuloy-tuloy na biyahe ng mga komyuter habang mapayapang nakapaghahayag ng kanilang sentimyento ang mga nasa sektor ng transportasyon
Ayon sa PNP, ito ay kasunod ng 2-araw na transport strike na ikinasa ng grupong MANIBELA simula ngayong Lunes, November 23 hanggang bukas, Martes, November 24.
Kaugnay nito, aabot sa 6,000 pulis ang ipinakalat partikular na sa National Capital Region Police Office (NCRPO) na sentro ng mga pagkilos ng grupo.
Bukod kasi sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan, maghahandog din ng “LIBRENG SAKAY” ang NCRPO sa mga tukoy na ruta ng grupo gaya ng sa Baclaran sa Parañaque, Caruncho ave. sa Pasig gayundin sa Paco at Nagtahan sa Maynila maging sa South Caloocan.
Nakaposisyon din ang Police Assistance Teams sa mga istratehikong lokasyon para umalalay sa mga apektadong komyuter gayundin ay tumugon sa anumang emergency.
Nakikipag-ugnayan din ang PNP sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at mga lokal na pamahalaan gayundin sa iba pang ahensya ng pamahalaan sa pagmamando ng trapiko at tiyaking handa ang mga kinakailangang tulong ng publiko.