Photo courtesy of DOF
Naghahanda na ng mga proyekto ang 19 na lokal na pamahalaan sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) para matugunan ang mga epekto ng climate change, kabilang ang tagtuyot at pagtaas ng lebel ng dagat.
Ito ay matapos lumahok ang 40 kinatawan ng mga lokal na pamahalaan sa People’s Survival Fund o PSF Caravan na pinangunahan ng Department of Finance (DOF) sa Davao City noong November 4 hanggang 6.
Sa naturang aktibidad, tinuruan ang mga kalahok kung paano makakakuha ng pondo mula sa PSF at gumawa ng mga panukalang proyekto para maprotektahan ang kanilang mga komunidad laban sa mga panganib na dulot ng climate change.
Iniharap din ang kanilang mga panukala sa mga eksperto mula sa DOF, Climate Change Commission, Department of the Interior and Local Government at Development Bank of the Philippines para sa pagsusuri at mga rekomendasyon.
Kabilang sa mga lumahok ang mga kinatawan mula sa Basilan, Lanao del Sur, Maguindanao del Norte, Maguindanao del Sur, Tawi-Tawi, Cotabato City at Special Geographic Area ng BARMM.
Tiniyak naman ng DOF na patuloy nitong tutulungan ang mga lokal na pamahalaan na ayusin at kumpletuhin ang kanilang mga panukala upang maging kwalipikado sa pondong ilalaan para sa mga proyekto laban sa epekto ng climate change.